Ang Tapat na Drayber

Isang mainit na biyahe na naman sa alas tres ng hapon. Ito ang pinaka-ayaw kong oras ng paguwi mula paaralan hanggang bahay. Mausok, mainit, mabaho, mainit, teka nasabi ko na ba mainit?

“O dito ka na boy sa may kanto. Lakad ka lang pakaliwa tapos doon na,” ang instruksyon na bigay ni mamang drayber sa isang bagitong pasahero. “Salamat po,” sabay baba ng dyip.

“Bait naman ni Manong,” ang isip ko. Sa isip ko lang.

Sa isang lugar na hindi inaasahang huminto ay pumarada ng saglit ang aming dyip na sinasakyan. Sumitsit ang aming drayber sa isang mamang nakatambay sa may kanto.

“Paki-abot na lang ito kay misis. P630 yan ha? Panggastos kamo. Paki-abot.”

Umarangkada ulit ang aming dyip pagkaabot ng isang kumpol ng perang papel. Habang umaandar papalayo ay sinilip ulit ni mamang drayber sa sayd miror ang lalaking pinagabutan niya ng kanyang pera pagkatapos ay lingon sa kahon ng kanyang barya. Wala ng ibang bakas ng kita na natira kundi kakaunting barya.

“Kung itinakbo kaya ng mamang iyon ang pera ni mamang drayber? Paano na kaya sila?” ang tanong ko sa aking sarili.

Siya na nga kaya ang aking hinahanap? Ang matagal ko ng hindi matagpuan? Ang gagantimpalaan ko ng “Tapat na Drayber” award?

Noong nasa hayskul pa kasi ako, nakaisip ako ng awarding sistem para sa mga dyip draybers o ng iba pang publikong sasakyan. Para makatanggap ng “Tapat na Drayber” award, kailangan ay makatugon sya sa mga sumusunod na rekwayrments.

  • Hindi naninigarilyo
  • Tapat magsukli
  • Nagbababa at nagsasakay ng pasahero sa tamang hintuan
  • Hindi sumisimangot sa pasahero habang nagse-serbisyo
  • Hindi malakas magpatugtog ng radyo
  • Hindi humihinto ng napakatagal sa lugar na hindi terminal para lamang magpuno ng pasahero
  • Hindi lumalabag sa kahit ano mang batas pang-trapiko

Ngunit bukod pa rito, kailangan ang pampasaherong sasakyan ay makatugon pa sa mga karagdagang rekwayrments.

  • Hindi bumubuga ng maitim o mabahong usok
  • Hindi kailangang bago ngunit malinis ang kabuuan
  • Katamtaman lamang ang takbo, hindi lumilipad sa bilis papuntang kamatayan, hindi rin naman nagpuprusisyon sa kabagalan

Sa aking ilang taong paghahanap ng tapat na drayber noong hayskul hanggang kolehiyo ay hindi ako naging matagumpay kaya isinumpa ko ang pagsakay sa dyip. Nang magumpisa akong magtrabaho ay hinding-hindi na ako muling sumakay rito. Ngunit ngayong bumalik na naman ako sa eskwelahan, wala na naman akong ibang pagpipilian kundi dyip.

“Siya na nga yata ito. Ang bibigyan ko ng unang Tapat na Drayber award. Kanais-nais siya para sa larangang ito at dapat siyang gantimpalaan.” Ang naisip kong gantimpala dati ay isang malaking ribbon na maaaring ikabit sa may harapan o mukha noong dyip kung saan makikita ng mga pasaherong nag-aabang habang papalapit ang dyip. Kapag nakita ng mga pasaherong may award ang isang dyip ay mas maeengganyo silang sumakay dito. Mahihikayat ang iba pang mga drayber na ayusin ang kanilang serbisyo para makatanggap din ng award. Parang tanga lang yung mga pinag-iisip ko nun noh?

“Para po.” Nakarating na ako sa aming baranggay. Makakababa na rin at makakauwi sa wakas. Makakapahinga! Hangin! Kailangan ko ng hangin!

“Para pooo.” Hindi yata ako narinig. Bahagyang bumagal ang dyip at humanap ng pwestong pagbababaan sa akin. Subalit hindi ko pa naihahakbang ang aking paa ay nag-umpisa na kaagad mag-menor at umandar ang dyip. Nagpaka-darna ako para lamang makababa ng ligtas sa umaandar na dyip.

“Sabi ko na nga ba eh. Papalpak at papalpak pa rin.”

Published by

emilayskie

Just doing what I got to do.

11 thoughts on “Ang Tapat na Drayber”

  1. Ate, una sa lahat, ano ang ibig mo sabihin dito?

    “Ito ang pinaka-ayaw kong oras ng paguwi mula paaralan hanggang eskwelahan. ”

    Hehehe. paaralan ba talaga o eskwelahan?😆

    At para sa award na yan, parang wala pa din ako naeencounter na ganyang mga drayber ah. Ayan nabigyan ka na naman ng false hopes, kala mo sya na ha.. nagkakamali ka don. Wahahah!

    1. Wahahahaha ang lupet mo talaga sis. Buti nakita mo kagad at ikaw ang naka-base. Teka nga ma-korek. Wahaha..

      Uu kakainis talaga mga dyip drayber. Bwisit! Pinaasa na naman ako.

  2. aruy!!! hahaha. ang hirap ng standards mo. ang tataas! pinaka nakakaasar ang mga suyod!!! yun yung mga tipong pati eskinita ay titigilan makaharbat lang ng pasahero. haha

  3. jayvie is right. you have very high standards. good thing, you didn’t become a teacher. kawawa ang mga estudyante.🙂 it’s great for software engineering, though, where perfection is the goal. you’re on the right career path.

  4. Pero kahit na anong mangyari, sila pa rin ang hari ng kalsada ‘noh?

    Minsan, hindi ko na lang din sila masisi. Kayod-kalabaw, malaki ang pamilya, mainit, paulit-ulit na ruta, kung mamalasin pa e haharangin ng mga buwaya, trapik, kaskasero sa kaliwa’t kanan, barya na lang ang natitira.

    Pero kahit na ganu’n, medyo nakakainis ding isipin na dyina-justify nila ang kanilang mga katayuan para gumawa ng hindi dapat. Nagsasakay sa hindi dapat na lugar, nilalagpasan ang dapat paghintayan, kaskasero, manyak, bingi.

    Personally, proud ako sa jeepney driver kasi tayo lang meron niyan. Ah, minsan lang.

    1. Aba.. Ngayon ko lang napansin ang comment mong ito. Pasensya po talaga. Bakit nga ba hindi ko ito nabasa dati? Hmmm..

      Pero alam mo Jakey tama ka. May sarili din silang pinagdadaanan kaya minsan hindi natin sila masisi. Okay lang naman talaga ang jeepney driver para sa akin wag lang maninigarilyo. Doon pa lang talaga umiinit na ang ulo ko. Hahaha..

  5. Akala ko naman siya na talaga ang hinahanap mo Milay… Yun pala, pinalipad ka habang pababa…

    Ako, parang nasanay na sa mga jeepney drivers… Ang pinakaayaw ko talaga eh yung tumitigil at naghihintay ng pasahero para mapuno… Kaya kung nagmamadali ako, nagtataxi na lang…

    Yun namang mga taxi driver… Naku, sa susunod mo na lang na post, kung maghahanap ka ng tapat na taxi driver…🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s