Mga Alaala Ng Atimonan, Quezon

Alas siete na ng umaga. Ito ang normal na oras ng pag-gising naming magpipinsan. Pagkabangon ay kailangan naming tikluping mabuti ang aming pinaghigaan dahil kung hindi, malalagot kami kay Lolo. Pagkatapos magligpit, lahat kami ay dudulog sa hapag-kainan para mag-agahan. Hindi pwedeng may mahuli. Kailangan sabay-sabay. Mahapdi ang malapad na tsinelas ni Lolo kapag napalo ka nito sa puwet dahil ayaw mong sumabay sa pagkain.

Champorado na naman ang agahan. Teka bakit nga ba ako nagre-reklamo eh eto lang naman talaga simula’t sapul ang aming agahan? Champoradong niluto ni Lolo. Alala ko pa noong unang natikman ko ito. Sarap na sarap talaga ako! Kaso dahil araw-araw naming agahan, tumamlay na ang pagkagusto ko sa champorado. Pero nakaka-excite ang agahan ngayon dahil meron kaming bonus na tuyo! Ang sarap tuloy kumain ng champorado dahil sa tuyo. Dahan-dahan lang ang pagkagat sa tuyo dahil kailangang maubos ang buong pinggan ng champorado kasabay ng isang pirasong tuyo. Solb!

Liguan time na! Dahil ang dami naming magpipinsan, nag-uunahan kami sa pagligo sa masikip na banyo. Yung mga lalaki naming pinsan ay sa may poso na lamang naliligo kapag mahaba ang pila sa banyo. Mabilis tuloy silang nakakatapos ng paghahanda at nauuna nang lumakad papuntang eskwelahan. Kami namang mga babae ay naghihintayan. Kapag handa na ang lahat ay sabay-sabay kaming naglalakad papasok sa eskwela.

Wala naman si Mama. Nasa Maynila sila ni Daddy kaya magtsi-tsinelas na lang ako pagpasok. Halos lahat naman kasi sa eskwelahan namin ay nakatsinelas lang sa pagpasok. Gusto lang ni Mama mag-sapatos kami dahil mahal daw ang pagkabili ng balat naming sapatos. Ang hassle lang ng sapatos kasi magme-medyas pa! Ang hirap humanap ng magkapares na medyas doon sa lagayan. Kung makahanap ka man ng magkapares eh may butas pa. Okay na itong tsinelas.

Pagkadating sa eskwelahan, ilalagay na namin ang aming bag sa upuan. Row 1 ako sa ngayon at sa pinakaunahang upuan. Mamaya ko na lang ikwento kung bakit. Tumunog na ang Atimonan Central School song. Ibigsabihin kailangan na naming pumila para sa Flag Ceremony. Dali-dali na kaming lumalakad-takbo papunta sa aming pila. At dahil Grade 1 pa lang ako, doon kami sa may bandang unahan, malapit sa stage.

Napakalawak ng parang. Sa parang nagaganap ang sangkatutak na patimpalak sa sports katulad ng track and field, baseball, long jump, high jump, sipa, at kung anu-ano pa. Paborito ko ring panooring nagpa-practice ang drum and lyre band namin dito tuwing hapon. Pero dahil Flag Ceremony pa lang, kailangan kong takbuhin ng mabilisan ito dahil nagagalit ang aming titser kapag nahuhuli kami sa pagpila. Ako pa naman ang pinakamaliit kaya ako ang nasa unahan. Madaling mahahalatang wala ako sa pila kung nagkataon.

Normal lang ang Flag Ceremony ngayon. Wala masyadong kaartehang naganap kaya pagkatapos ay bumalik na kaagad kami sa aming silid-aralan. Si Ma’am Deseo ang aming adviser. Mabait siya lalong-lalo na sa akin. Naalala ko pa noong bagong lipat lang ako sa paaralang ito.

Flashback

Kinuha ni Ma’am Deseo ang aking report card at inilibot ito sa buong klase para kanilang makita.
“Tingnan ninyo ang mga grades na ito! Nakikita ninyo ba? Napakataas di ba? Ganyan ang klase ng edukasyong mayroon sila sa Maynila. Ganyan din dapat ang maging grades ninyo.”
Bahagya akong nahiya sa ginawa ni Ma’am ngunit kahit papaano ay naging proud na rin ako kahit kaunti. Pinaupo ako ni Ma’am Deseo sa Row 1 at sa unang upuan sa kaliwa.

End of Flashback

Dati kaming naninirahan sa isang maliit na baranggay sa Makati sa Maynila. Lumipat kami ngayon dito sa Atimonan, Quezon, ang tinubuang bayan ng aking ina dahil kinailangan nila kaming ilayo sa mga kaguluhang nangyayari sa aming pamilya doon. Sina Lolo at Lola ang nag-aalaga sa amin ngayong siyam na magkakapatid at magpipinsan. Lima kaming magkakapatid sa nanay ko, tatlo sa tito ko, at isa sa isa ko pang tito. Naging pinakamahirap siguro itong panahon para sa Lolo at Lola ko, ang mag-alaga ng sangkatutak na apo. Pero para sa akin, ito ang rurok ng aking kasayahan sa pagkabata.

Umuuwi kami sa aming bahay para mananghalian, pagkatapos ay babalik kaagad sa eskwelahan. Excited ako tuwing recess dahil ang daming pagpipilian sa bilaong paninda ni Manang. Pero kahit marami ang pagpipilian, ang pinakapaborito ko pa rin ay ang ng green peas na nakabalot sa maliit na plastic at lalong-lalo na ang sweet beans! Piso pa lang ang baon ko ngayon sa buong maghapon dahil Grade 1 pa lang daw ako, sabi ni Mama. Excited na akong maging Grade 2 para maging dos na ang baon ko!

Pagkatapos ng eskwela at pagkauwi sa bahay, dali-dali kaming nagbibihis para tumakbo sa tabing-dagat. Ang bahay namin ay isang kalye (boulevard) lang ang pagitan sa mismong tabing dagat. Mahal na mahal ko ang dagat na ito kahit maraming mga bunot at basura. Masaya kaming magkakalaro tuwing iniipon at pinagpapatong-patong namin ang mga bunot para gumawa ng bahay-bahayan. At dahil saan-saan ang basura, marami ka ring mapupulot na mga kasangkapang ginagawa naming mga laruan.

Siyempre, ang pinakapaborito ko sa dagat na ito ay ang napakapayapa at mainit na tubig. Kahit buong araw akong maligo sa dagat na ito mabubuhay na ako. Wala akong pakialam sa init ng araw kaya ang balat ko ay napakakinis na maitim! Negra at baboy nga ang tawag ng iba sa akin. Sa dagat na ito ako natutong maglangoy at magpa-tumbling-tumbling. Gustung-gusto kong sumisisid ng malalim at gumagapang sa lupa ng dagat. Mahina raw ang baga ko sabi ni Mama pero mula nung nag-umpisa kaming magpalangoy-langoy dito ay lumakas na raw ako.

Dumidilim na. Naririnig ko na ang pagtawag ni Lola, ganun din ang pagtawag ng mga magulang ng aming mga kalaro. Kanya-kanya kaming takbo pauwi dahil kailangan na naming ihanda ang hapunan. Inilalatag ang mga kailangang pinggan, baso, at hinawan (tabong may kaunting tubig). Importante ang hinawan kay Lolo dahil doon kami naghihinaw ng kamay bago at pagkatapos kumain. Manonood kami ng TV Patrol habang kumakain ng niluto ni Lolo, ginataang isda. Mukhang maraming kita si Lolo ngayon sa pagpapalang ng isda kaya masasarap ang ulam. Kahapon, ginataang pusit. Kapag mahina ang kita ni Lolo, nagpapatak lang kami ng toyo sa kanin at konting asin para may “crunch” at solb na. Pero kapag sinuswerte kami ng kaunti ay merong isang bote ng mantikang baboy kami sa kusina. Heaven sa amin yun kapag nilalagay sa kanin at budburan ng kaunting asin.

Pagkatapos kumain ay maghuhugas na ng pinggan. Malas ko ngayon dahil ako ang nakatokang maghugas. Kailangan kong bilisan dahil hinihintay nila ako bago kami magbasa ng scriptures. Pagkatapos ng banlaw, sabon, at dalawang banlaw, tatakbo na ako paakyat para mag-umpisa na ang aming pagbabasa.

English na Book of Mormon ang pinapabasa sa amin ni Lolo. Kailangan naming i-translate ang mga nakatokang verses sa amin sa Tagalog. Meron kaming mga dictionary na ginagamit. Paborito ako ni Lolo sa pag-translate dahil magaling daw akong bumuo ng mga pangungusap. Napakagaling ni Lolo dahil kahit anong English word na tanungin namin sa kanya ay alam niya ang kahulugan sa Tagalog. Pagkatapos naming ihanda ang aming mga translation, mag-uumpisa na kaming mag-basa ng aming mga toka at babasahin ang aming Tagalog translation.

Pagkatapos ng aming family prayer ay matutulog na kami. Magkakatabi kaming natutulog sa isang malapad na higaan. Malamig ang simoy ng hangin ngunit mainit ang aming mga kumot at katre. Tahimik ang gabi at ang tanging maririnig ay ang paghampas ng mga alon sa tabing-dagat. Natapos na naman ang isang araw. Ang sarap talaga ng buhay…

Itutuloy…

Abangan.

Published by

emilayskie

Just doing what I got to do.

8 thoughts on “Mga Alaala Ng Atimonan, Quezon”

  1. Ang saya nman ng childhood days mo, sis, lalo nat malaki ung pamilya nyo sigurado ang saya pg sama sama kayong mgpipinsan at mgkkapatid. Maswerte ka na nakilala at nksama mo pa sila lolo at lola mo, something that i never got the chance to have.

    At namiss kong bigla ang champorado at tuyo:)

    1. Korek sis! Sobrang swerte dahil close family ties talaga kami. Kakamiss ang champorado at tuyo lalo na ngayong madalang kami makapag prito ng tuyo dahil maselan sa amoy ang mga kapitbahay. Baka may magreklamo haha..

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s