SmartBroke

Kakalipat ko lang sa isang mas malaki pero mas murang bahay. Isang linggo bago ako lumipat, pumunta kami sa Smart Wireless Center para mag-request ng relocation ng SmartBro ko at nagbayad na rin ng fees. P1450 ang kailangang bayaran kung sila mismo ang mag-uninstall and mag-reinstall ng line. P1000 lang kung kami na ang magtatanggal at sila na lang ang magkakabit. Marami akong mga makakatulong sa paglipat so P1000 na lang ang binayaran ko.

Pagkalipas ng dalawang araw, Tuesday, tumawag sa akin ang isang taga SmartBro sa cellphone at tinatanong kung anong araw ko gusto ipakabit ang linya. Napagkasunduan namin na Sunday ito ikabit ng umaga habang wala pa akong pasok. So may nalalabi pang limang araw. Pumayag sila at ni-confirm na siguradong sa araw na iyon ay dadating sila sa lilipatan kong bahay.

Pagdating ng Sunday ng tanghali, may tumawag ulit sa akin sa phone, gamit ang ibang number at nagpakilala na sila ay taga-SmartBro.

SmartBro: “Hello Ma’am. Si Rep1 po ito from SmartBro. Kayo po ba si Customer1?”

Ako: “Opo.”

SmartBro: “Ma’am hindi po kami makakarating ngayon dahil wala pa po kaming supply ng antenna. So baka po i-reschedule natin ito for tomorrow morning.”

Ako: “Bakit kailangan natin ng supply ng antenna samantalang may antenna naman ako?”

SmartBro: “Ah so my antenna na po kayo? Baka sakali po kasing sira na yang antenna nyo at wala po kaming pang-palit.”

Ako: “So hindi nyo man lang alam na for relocation lang itong line ko? At pano nyo naman kagad masasabing sira kung di nyo pa na-check? Iningatan natin mabuti yung antenna tapos mag-assume na kayo kagad na sira? Kailangan ko talaga ito ngayong araw ding ito. Hindi pwedeng bukas.”

SmartBro: “Baka sakali lang naman po Ma’am. Pero sige po. Try naming pumunta today. Tawagan ko na lang po kayo Ma’am kung parating na kami pero hindi po talaga sure ngayon.”

Ako: “Bakit parang tinatamad yata kayo? Dahil ba laban ni Manny Pacquiao ngayon? Kung kailangan nyo lang manood may TV na naman ako at napa-transfer ko na rin cable ko at mas mabilis pa silang mag-install kesa sa inyo.” Joke lang. Yan sana ang gusto kong sabihin eh. Pero eto talaga sinabi ko, “Sige po kuya. Parang awa nyo naman po. Kailangan ko talaga ito ngayon. Hihintayin ko po ang tawag nyo.”

Mabait pa rin talaga ako sa phone kasi naiintindihan ko ang trabaho nila. Kaso mula ng araw na iyon ay araw-araw na akong tumawag. Ito ang kabuuan:

Monday ng hapon ay hindi pa rin sila dumating. Tumawag ako sa kanilang hotline ng paulit-ulit at pagkatapos i-hold ng literal na 40 minutes (imagine hold yun ha? wala kang kausap sa line at dahil wala akong speaker phone, hawak ko talaga ang receiver the whole time) sinabi sa akin na i-reschedule na lang daw ng Tuesday 2PM.

Tuesday 2PM hindi na naman sila dumating. Tawag ulit ako, naka-schedule daw ako for Friday ng umaga. Syempre mejo nagwawala na ako dahil hindi ko matatanggap na maghihintay pa ako ng tatlong araw pa. Tawag ulit ako at bigla naman akong binola na Wednesday daw ng umaga ito.

Wednesday ng hapon wala pa rin sila. Sa pagkakataong ito hindi lang hotline tinawagan ko. Tinawagan ko mismo yung cellphone ng contractor na nag-text sa akin noong Sunday. Nakakaawa ng kaunti ang boses nya dahil sa galit ko pero naintindihan ko ng kaunti na naghihintay lang daw sila ng supply ng antenna from Smart. Sila pala ay mga outsourced na contractor na binabayaran lang ng smart at hindi makagalaw din kapag walang supply na nakakarating sa kanila. May natambak na nga rin daw na installation na naka-pending na higit pa sa dalawang linggo. Galit na galit ako pero wala pa rin akong magawa kaya tinanggap ko na lang. Tumawag ulit ako at na-confirm na sa Friday morning daw ang final schedule.

So kinailangan kong maghanap ng magandang gagawin sa Thursday ng hapon. Dumalaw sa bahay si A, at nakipag-date naman ako kay B. Hahaha.. Kinabukasan paguwi ko galing trabaho ay dumating na ang taga SmartBro at inumpisahan ang pagkabit. Mabait naman ang landlady namin at pumayag na magkabit ng pole sa bubong. Nalaman ko na ibang grupo sila sa nag-text sa akin noong Sunday at pinatunayan nila na ang aking antenna ay gumagana. Magiging normal nga lang daw sa akin kung mawawalan ako ng signal paminsan-minsan dahil may isang napakalaking puno ng mangga na nakaharang mula sa cell site pero gumagana naman at kung gusto ko raw maiwasan ito, kailangan ko magbayad ng P680 para sa karagdagang 10-feet pole na ikakabit para mas malakas ang signal.

Bago ako lumipat ay talagang bilib na ako sa SmartBro. Kahit gaano pa karaming reklamo ang naririnig ko sa aking mga kaibigan sa serbisyo nila ay wala akong pakialam dahil noong masubukan kong gamitin ito noon ay hindi ako na-disappoint kahit isang beses. Hanggang ngayon, kahit 10-feet lang ang pole ko ay maganda ang aking connection. Masasabi kong practical ang kanilang paraan ng pag-distribute ng internet connection at maiintindihan mo kung paano at kung anu-ano ang mga dahilan ng kanilang problema.

Ngunit ang bagay lang siguro na magpapatawag sa kanilang SmartBroke ay ang kanilang customer service. May mga bagay siguro silang kayang sagutin ng mabilisan sa telepono subalit kung mag-follow up ka ng installation ay katakot-takot na hold time ang kailangan mong pag-tiisan. Ang well established companies ay dapat nagbibigay ng lead time or turn around time sa bawat proseso. Ngunit ang pag-schedule ng installation ay dapat tapat at hindi ipagsisinungaling kung hindi talaga posible dahil naaaksaya ang oras ng bawat isa.

Sa ngayon ay kuntento na ako sa aking connection at baka hindi na mag-request ng extension. Ang sisiguraduhin ko lang ay hinding hindi na ako tatawag pang muli o gagawa ng kahit ano pang transaksyon sa kanila maliban lang sa pagbabayad ng aking bills.